A Look at the 2004 Candidates Volume 1
For your consideration.... Fernando Poe Jr.
Ginoong Patnugot:
Napansin namin na inilathala ninyo kamakailan ang isang sulat na naghihikayat sa ating mga kababayan na sulatan si Fernando Poe Jr. upang huwag nang tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas.
Hindi namin alam kung saan ninyo nakuha ang impresyon na di magiging mabuting pangulo si Fernando Poe Jr. Kami po, ang kanyang mga kaibigan ay lubos na nasaktan sapagkat hindi man lang binigyan ng pahayagang ito ng sapat na pagkakataon na ipagtanggol ni FPJ ang kanyang sarili. Hindi po ito mabuting halimbawa ng mabuting pamamahayag.
Salungat sa mga balita na inyong kinakalat na walang alam si Fernando Poe Jr. sa pagpapatakbo ng bansa, si FPJ ay mayroong napakalawak na karanasan tungkol sa mga isyu na kasalukuyang pinagdaraanan ng ating bansa.
Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga patunay sa pagiging malapit ni FPJ sa mga isyung pambansa.
Hustisya. Kapag Puno na ang Salop
Nakikipaglaban si FPJ sa mga suhulang Huwes. Pag naging pangulo si FPJ, maraming mamamatay na huwes.
Kahirapan. Ang Anino ni Asedillo
Katulad ng kanyang matalik na kaibagan na si Presidente Erap, malapit si Fernando Poe Jr. sa mahihirap. Sa pelikulang ito, si FPJ ay isang modern-day Robin Hood. Kumukuha siya sa mayayaman tapos binibigay sa mahirap. Yan ang aming idol. Ngayon pa lang ay mag-ingat na si Danding at ang mga Ayala!
Kidnapping at Drugs. Batas ng Lansangan
Sa Batas ng Lansangan, sinalo ni FPJ ang pananagutan para labanan ang kidnapping at drugs. Kapag pangulo na si Fernando Poe Jr., lilinisin nya sa ating mga lansangan ang mga kidnapper at drug-pusher. Ano ba ang laban ng mga masasamang loob sa mga ma-armalite na mga suntok ni Haring FPJ?
Manggagawa. Isusumbong kita sa Tatay ko
Isang masipag na manggagawa si Fernando Poe Jr. Naranasan na nya ang maging isang mekaniko habang nagpapalaki ng kanyang anak na si Judy Anne. Ang kanyang hirap at pagtatiyaga ay kapansin pansin sa malimit na pagpapawis ng kanyang kili-kili sa pelikulang ito. Ipinahihiwatig lamang nito na pagpapawisan nya ng lubos ang kanyang pagtatrabaho sa ating mga Pilipino.
Illegal Gambling. Dito sa Pitong Gatang
Bilang barangay chairman tinugsa ni Fernando Poe Jr. ang illegal gambling sa kanilang barangay. Sinong nagsabi na walang political experience si FPJ? Marahil, kapag naging pangulo si Fernando Poe Jr., malamang na gagawing kapitolyo ng Pilipinas ang Pitong Gatang.
Pulisya at Krimen. Eseng ng Tondo
Naging isang magaling na Pulis rin si FPJ bago sya naging NBI director. Dito natin nakita kung paano nakipaglaban si FPJ sa masasama at mga suhulang elemento ng lipunan. Ang kanyang pakikipaglaban at patuloy na magpapatupad ng reporma sa pulisya ay ipagpapatuloy ng kanyang kapatid na si Conrad Poe bilang bagong hepe ng PNP.
Sports. Pakners
Kasama di Efren "Bata" Reyes bilang bagong kalihim ng POC, lahat ng national athletes ay kanyang patuturuang magbilyar.
Ginoong Patnugot, siguro'y di na kami nagkulang ng patunay kung bakit dapat maging pangulo si Fernando Poe Jr. Sana po ay di na maulit ang mga irresponsableng "Open Letter" na walang pakundangan ninyong inilathala dito sa inyong pahayagan.
Salamat po.
Ang inyong mga linkod,
Alyansa ng Pitong Gatang (APoG)
No comments:
Post a Comment