Tuesday, July 13, 2004

e kasi naman e...

Eto ang mahirap kapag nagta-trabaho ka sa isang opisinang puro bata pero malaki ang sweldo. Kapag may lumabas na bagong gadget o di kaya magbagsak presyo ang isang kumpanya, nagiging usap-usapan ang pagbili.

Pagdating kanina ng katabi ko sa upuan, sabi niya na may promo ang Smart na ang mga makabagong cellphone ay ibinibigay sa mga plan ng libre. Kasama dun sa mga pagpipilian ang paborito kong P900 at Treo 600. Nandun din sa listahan ang hinihintay kong Voyager SPV pati na rin ang O2 XDA. Naisipan nung kaopisina kong sabihin sa akin yun dahil malamang daw na interesado ako. Di man niya sinabi ng tahasan, pakiramdam ko lang ay minata ang aking Nokia 6150. Aba, ano naman ngayon kung ang telepono kong ginagamit ay sinauna pa (circa 1999)?

Ang dahilan ko sa aking 6150 ay dahil mayroon akong PDA na may kamera na rin naman. Aanhin ko ang makabagong features ng telepono e samantalang mayroon naman dun sa PDA ko? Oo nga at maganda ang magkasamang PDA at cellphone, tulad nga ng nabanggit ko, pinapangarap ko ang mga Smartphone at PDA/phone. Pero bakit naman ako bibili kung gumagana pa ang mga gamit ko ngayon at tama naman siya sa kinakailangan ko? Dahil ba sa hindi na uso ang teleponong gamit ko ngayon?

Ngayon lang, yung ibang kaopisina ko ay nag-uusap na pupunta sila sa Smart Wireless Center pagkatapos mananghalian. Hanggang ika-labing anim ng Hulyo na lang ang itatagal ng promo na ito kaya dapat magdesisyon na sila kung gusto nilang kumuha ng linya. Karamihan sa kanila ay kukuha ng linyang may halagang 1200 pesos kada buwan para lang makuha ang telepono. Matatali sila sa kontratang ito sa loob ng 36 na buwan! ayos lang sa kanila ang ganitong bayaran samatalang meron na rin silang ganung plano na Globe! Para lang sa teleponong kasama nung plano, magdadagdag sila ng isa pang bayarin na di naman nila siguradong magagamit! Mukhang malaki nga ang diperensya ng mga sweldo namin kung gugustuhin nilang madagdagan ang mga bayarin nila ng ganun.

Hindi ko namang sinsabi na magaling ako pagdating sa pera. Sa katunayan, malaking bahagi sa sweldo ko ay diretso pambayad ng credit card. Kadalasang pera ko sa bangko ay sapat lang sa pang-araw-araw kong gastos. Pero nararamdaman ko ang halaga ng bawat gastusin.

Ang bisyo ko lang naman ay pagkain at libro. Mahilig ako sa makabagong gamit pero kadalasang pinananatili kong panaginip o pangarap ang mga yun. Hindi yun dahil sa wala akong pera kundi ayokong magipit ng isang bagay na di ko naman kailangan.

Sabi ko sa kaopisina ko kanina, pag-iisipan ko kung kukuha ako nung telepono. Napag-isipan ko na di ako mamamatay kung di ko siya mabili ngayon.

2 comments:

waterfowl said...

haayyy... i lost my 5110 just the other night at ang lungkot-lungkot ko. di ko pa magawang bumili ng bago dahil sa totoo lang, di ko inaamin sa mga tao, attached ako sa cel na yun. 15 msgs lang ang capacity ng inbox no'n pero andun yung mga pinakaiingat-ingatan kong msgs ng mga tao. at siyempre, meron din yung old-fashioned snake. haayy...

pahingi naman ulit ng cel number mo o. thanks. :)

waterfowl said...

ros, nabalik na sa kin yung 5110 ko. naiwan ko sa ofc. walang nagkainteres. :) lalo ko tuloy minahal kasi at least may assurance ako na mawala man siya, hindi ganun kasakit pag inisip mo ang pera. malungkot lang kasi sayang phonebook at saved msgs. pero ang masaya, kahit mawala siya, mababalik at mababalik pa rin sa 'kin. may nag-joke pa nga na kahit sa recto ko raw maiwala, makakabalik pa rin sa kin yung cel ko. happy naman ako sa thought na yun. hehe. -- rose nga pala ito.